Isinulat ni: Samantha Tagupa, Manunulat ng Balita (Puting Pilas)

Pinamagatang “Promoting Holistic Health Amidst Pandemic: MAPEH PROJECT CARE thru Wellness and Unity Dance” ang programang naganap noong ika-16 ng Marso taong 2022 sa Parañaque National High School-Baclaran Gymnasium na nagsimula ng 8:10 ng umaga. Pinangunahan ng MAPEH Department at pinahintulutan ng ating punong-guro ang nasabing kaganapan.
Matatandaang dalawang taon na ang nakalipas mula ng tayo ay nagsimulang makulong sa ating mga tahanan dahil sa pandemya dulot ng CoViD-19. Sinabi ni Dr. Gerry C. Catchillar, punong-guro ng PNHS-Baclaran, “2 years from now, plano ko talaga iyong wellness for teachers and non-teaching staffs”. Naganap ang programa upang isulong ang mensahe na pagkakataon na nating ibalik ang sigla ng mga pangangatawan nating lahat na nasa loob ng paaralang ito.

Magsisilbing panimula ng programa ang pagsasagawa ng mga mag-aaral mula sa ikapito hanggang ika-10 baitang na kasali sa face-to-face na klase, mga guro, at non-teaching staffs ng Wellness tuwing MAPEH class hours na magtatagal ng 10 hanggang 20 minuto sa susunod na Biyernes (Marso 25, 2022).

Nasabing may magaganap na kumpetisyon para sa mga mag-aaral na lumalahok sa limited face-to-face classes mula ikapito hanggang ika-12 na baitang na pinamagatang Unity Dance Contest. Iaanunsyo ang mananalo sa ika-20 ng Abril taong 2022.