Kamakailan lamang ay lumahok ang Parañaque National High School – Baclaran sa 4th Quarter National Simultaneous Earthquake Drill o NSED. Ito ay ginanap noong Nobyembre 12, 2021, ika-9 ng umaga. Kabilang sa mga lumahok ay ang mga guro, mag-aaral, at mga kawani ng ating paaralan. Para sa taong ito, ginawa ang drill ng mga kalahok sa kani-kanilang mga tahanan at opisina dahil distanced learning pa rin ang ating paraan ng pag-aaral bunga ng pandemya na dulot ng CoViD-19.

              Upang matagumpay na mairaos ang kaganapang ito, nagkaroon ng pagtutulungan ang paaralan, ang Local Disaster Risk Reduction Management Office (LDRRMO), at ang Barangay Disaster Risk Reduction Management Council (BDRRMC). Naglunsad din ng orientation sa mga kalahok ang paaralan tungkol sa mga dapat gawin sa aktwal na pangyayari.

              Sa mismong araw na idinaos ang NSED, ang paaralan ay nakapagtala ng 43 teaching and non-teaching personnel at 1841 na mag-aaral na lumahok at nakiisa sa kaganapang ito. Matapos ang pangyayaring ito, sunod na isinagawa ng paaralan ang post-evaluation at doon napag-alamang limitado lamang ang bilang ng first-aid kit at go bags na mayroon ang ating paaralan.

Ang NSED ay idinaraos apat na beses taun-taon upang mabigyan ng sapat na kaalaman at kahandaan ang mga kalahok sa dapat gawin kung sakaling tayo ay makaranas ng totoong lindol. Ito rin ay ginaganap upang malaman ng paaralan ang mga dapat pang gawin upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa oras ng sakuna.