Isinulat ni: Maria Katherine Guevara, Kontribyutor (Puting Pilas)

Matagumpay na naipagkaloob ang pag-unlad sa karera ng ilang mga guro sa Parañaque National High School-Baclaran ngayong taong panuruang 2021-2022 sa pamamagitan ng kanilang pagsumite ng mga dokumento. 

Ang pag-unlad ng mga guro ay isa sa mga prayoridad ng mga institusyong pang-edukasyon, lalo na’t isa sa susi ng pagbabago sa tagumpay ng mga mag-aaral ay ang pag-unlad ng mga guro na patuloy ang pagpapabuti ng kanilang kaalaman sa paksa, at mga kasanayan sa kanilang pagtuturo. Kaya naman, sa naisagawang Career Progression sa PNHS-Baclaran, matagumpay at malugod na naipagkaloob ito sa mga gurong ehekutibo na sina Bb. Moneth Macarilay, Teacher II sa larangan ng asignaturang Filipino, Bb. Marichu Bacaro at Bb. Mariel Tambagahan, Teacher II sa larangan ng asignaturang Music, Arts, P.E and Health (MAPEH), Bb. Johana Soreta at G. Romulo Ato, Teacher III sa larangan ng Sipnayan, at sina Gng. Sheila Alberto kasama ni Bb. Chinsa Tabanera, Head Teacher III.

Alinsunod sa DepED Order No. 66 s. 2007, Inaanunsyo ang mga bakanteng posisyon na kailangang punan sa mga opisina o paaralan sa Kagawaran ng Edukasyon. Nakapaloob din ang mga alituntunin at pamantayan sa pagpili at pagtanggap ng mga guro para sa progresiyong ito, katulad ng pagsasagawa ng paunang pagsusuri ng mga kwalipikasyon ng lahat ng mga aplikante, at pag-aatas ng mga akreditong institusyon sa sistematikong pamamaraan. Ang ilan naman sa mga pamantayan sa pagpili ay ang Performace Rating, Experience, Outstanding Accomplishments, na binubuo ng mga inobasyon, mga proyekto sa pananaliksik at pagpapaunlad, authorship, mga karanasan sa pag-sangguni sa mga pagsasanay at seminar, Kasanayan sa Edukasyon, Potensyal at Kakayahan, Mga Katangiang Psychosocial, at Mga Katangian ng Pagkatao na magpapatunay ng kanilang kapasidad. Sa usaping sanksyon naman, Ang sinumang mapatunayang nagkasala ng paglabag sa mga probisyon at mga kalakip na mga alituntunin ay haharapin nang naaayon. Ang mga alituntunin na ito ay ang ang naging pamantayan sa pagpili at pagkakaloob ng pag-unlad sa Career Progression ng ilang mga guro sa PNHS-Baclaran.

Isang malugod na pagbati sa mga guro, marahil ito ay maituturing nilang isang milyahe sa kanilang karera sa propesyon na kanilang pinili. Milyaheng makapagbibigay at makapag-aalok sa kanila ng mas marami pang pagkakataon; ang paglago nila bilang isa sa mga nangangasiwa sa larangan ng edukasyon, at stabilidad sa pinansyal na aspeto na binigyang diin ng Department of Education, na isang pangangailangan para sa isang career progression system para sa mga pampublikong guro sa paaralan. Sa pagsasagawa rin nito, nagsisilbi ito bilang pamantayan sa pagtatasa ng kanilang pagganap, sa pagpaplano at pagbibigay ng mga interbensyon sa propesyonal na pagpapaunlad, na nakapagbibigay garantiya na ang kalidad ng ating mga guro sa ating mga silid-aralan ay mataas ang pamantayan, na isa sa ating maipagmamalaki bilang mga mag-aaral sa PNHS- Baclaran.