Sa pagnanais na maipabatid at kagustuhang magkaroon ng sapat na kaalaman ang bawat kabataan sa pagdating ng mga sakunang hindi inaasahan tulad ng lindol, nagsagawa ng isang Nationwide Simultaneous Earthquake Drill o NSED ang bawat paaralan sa NCR kabilang na ang ating mahal na paaralan, Paranaque National High School- Baclaran.
Sa ganap na Ika-9 ng umaga, sa loob ng ating paaralan, ginanap ang Earthquake drill, matapos tumunog ang alarm na naghuhudyat sa bawat mag-aaral sa kani-kanilang mga silid-aralan na dapat na nilang isagawa ang Duck, Cover, and Hold at dahan-dahang kumubli sa isang matibay na bagay tulad ng lamesa o upuan. Sa tulong ng mga gurong naabutan ng nasabing Earthquake drill na ginabayan at kalmadong inalalayan ang bawat mag-aaral, naging matagumpay ang isinagawang Earthquake drill at sa tulong na rin ng mga kawani ng ating paaralan.
Matapos ang Earthquake drill, ang ating mga mag-aaral ay kalmado at marahang nagsibalik sa kani-kanilang mga upuan. Tunay nga na ang mga aktibidad at pagtuturong ito ay magagamit ng mga kabataan bilang bahagi ng kahandaan para sa lindol o anumang sakuna na maaaring dumating sa bawat isa sa atin.
Ang pagiging handa at pagkakaroon ng bukas na isipan sa anumang sakuna ay isang malakas na sandata at maaaring magsalba ng maraming buhay.